MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni Pangulong Aquino na magkikita sa kulungan sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Chief Justice Renato Corona.
Ginawa ng Pangulo ang kanyang fearless forecast sa harap ng Filipino community sa Sydney, Australia sa huling araw ng kanyang state visit.
Aniya, ang conviction ni Corona sa impeachment court at ang mga tax evasion case na isinampa sa dating mahistrado ay patunay na kahit ang mga ‘powerful’ ay puwedeng makasuhan.
“Ngayon may nakasampa na sa kanyang kaso na tax evasion. Kung mapapatunayan na nagkasala, baka po mag-abot pa sila sa kulungan ng pinalitan nating Pangulo. Nasampahan na rin po ang dating Pangulo ng mga kasong plunder at electoral sabotage at abangan ang susunod na kabanata,” giit pa ni PNoy.
Ibinida din ng Pangulo sa mga Filipino ang mga development sa Pilipinas sa ilalim ng tuwid na daan ng kanyang administrasyon.
Muling binatikos ni PNoy ang Arroyo administration dahil sa mga iniwang utang at mga anomalya ng nakaraang administrasyon tulad ng Tulay ng Pangulo project na tadtad ng anomalya.