Holdaper nagpapanggap na pasahero at driver babantayan: Preparasyon sa Undas ng NCRPO larga na
MANILA, Philippines - Nakahanda na ang buong puwersa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pagbibigay ng seguridad sa publiko para sa darating na Undas sa Nobyembre 1 at 2.
Sa direktibang inilabas ni NCRPO Director, Chief Supt. Leonardo Espina, dapat tutukan ng limang district directors ang tatlong aspeto na bibigyan ng seguridad - 1. Bahay, 2. Biyahe at 3. Sementeryo.
Sa mga maiiwang bahay, iniutos nito ang walang tigil na pagpapatrulya sa loob ng 24 oras sa mga barangay upang maiwasan ang pagsalakay ng mga akyat-bahay, makipagdayalogo sa mga pinuno at mga residente na huwag iwanan ang mga bahay ng walang bantay, iwanang may ilaw ang bahay, at tiyakin ang mga kaligtasan para makaiwas sa sunog.
Sa mga bibiyaheng sasakyan, inatasan ni Espina ang mga District Directors na magpakalat ng mga tauhan para mag-inspeksyon sa mga terminals ng bus at jeep, ipaalala ang BLOWBAGETS (Brakes, lights, oil, water, battery, air, gas, engine) para maiwasan ang pagtirik, pagbawalan ang mga tsuper na maysakit at lasing na magmaneho, at magpatupad ng checkpoint sa mga kolorum na behikulong bibiyahe upang maiwasan ang panghoholdap ng mga nagpapanggap ng driver at pasahero.
Sa Sementeryo, magpapatupad ng ibayong seguridad tulad ng pagbabawal sa mga armas at lahat ng uri ng matutulis na bagay, pagbabawal sa pag-iingay, pag-iikot sa mga malalaking sementeryo upang maiwasan ang taunang nagaganap na rambol ng mga kabataan, at maniktik laban sa mga mandurukot.
- Latest