Estudyante tatamaan sa taas pasahe sa MRT, LRT
MANILA, Philippines - Magiging ‘kalbaryo’ sa mga estudyante at dagdag pahirap sa kani-kanilang mga naghihikahos na magulang ang pinaplano ng pamahalaan na P10 dagdag pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) sa susunod na taon.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), 70% sa mga pasahero ng MRT at LRT ay pawang mga estudyante, 20% ay ordinary workers at 10% ay mga unemployed.
Sinabi ng BAYAN, lumilitaw na wala umanong malasakit ang pamunuan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa mga mahihirap na mag-aaral sa bansa na siyang malaking bahagi na tatamaan ng planong taas na pasahe sa MRT at LRT.
Hindi naniniwala ang grupo sa paliwanag ng DOTC na nalulugi ang MRT at LRT kaya kailangan nilang magtaas ng pamasahe.
Umapela rin ang ilang mambabatas na magsagawa ng information drive upang maunawaang mabuti ng publiko ang gagawing pagtataas sa pamasahe ng MRT.
Sinabi nina Marikina Rep. Miro Quimbo at AKO Bicol Party list Rep. Rodel Batocabe, dapat munang ipaunawa sa riding public kung bakit may pagtataas sa pamasahe.
Hindi rin umano makatwiran na buong sambayanan ang sumasagot sa subsidiya na ibinibigay ng pamahalaan sa MRT gayong mga taga Metro Manila lamang ang nakikinabang dito.
Giit nito, kailangan maintindihan ng mga commuters na hindi uunlad ang MRT kung walang sapat na budget na magmumula sa pamasaheng ibinabayad ng mga tao.
Ang tren umano ay para magbigay serbisyo sa publiko kayat hindi dapat patungan ng tubo para sa maintenance ng tren.
Una nang sinabi ni DOTC Secretary Jun Abaya na ang dagdag singil sa pasahe sa MRT ay matagal ng plano ng pamahalaan at hindi lamang naipatutupad ng mga nakalipas na kahilim ng DOTC dahil kinailangan pa na masusing pag-aralan para sa kapakanan ng publiko.
Ang planong P10 dagdag ay mas mababa pa rin umano kumpara sa P45 na pasahe sa bus kung bibiyahe mula North Edsa sa Quezon City hanggang Taft Ave. sa Pasay. (Mer Layson/Gemma Garcia)
- Latest