6M batang Pinoy malnourished
MANILA, Philippines - Nabahala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na anim na milyong bata sa Pilipinas ang malnourished.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), kailangang tugunan ang lumalaking bilang ng malnourished children o yaong mga kulang sa timbang.
Sinabi ni Pabillo na dapat magtulungan ang lahat para sa kapakanan ng mga bata mula sa sinapupunan pa lamang hanggang sa kanilang developing stage.
Ipinaliwanag ng Obispo na kapag napabayaan ang mga bata sa pisikal o mental mula sa gulang na anim pababa ay dala-dala nila ang epekto ng malnutrisyon sa buong buhay nila.
“Alam ninyo po ang mga bata ay napakahalaga simula ng sila ay isilang, mula sa tiyan ng nanay hanggang sa five years old, diyan po nade-develop ang kanilang katawan, ang kanilang isip at ang kanilang damdamin, kaya pag sila’y nagkaroon ng malnutrition ng ganyang mga edad ay dala-dala nila yan sa buong buhay nila,” aniya pa.
Nabatid na matagal ng tumutulong ang Simbahang Katolika para mapababa ang bilang ng mga batang nagugutom sa pamamagitan ng Hapag-asa program ng Pondo ng Pinoy.
Nauna rito, sa ulat ng UNICEF, sa anim na milyong batang Pinoy, 60,000 dito ay sexually exploited habang 66% ang walang sapat na pangangalaga.
- Latest
- Trending