MANILA, Philippines - Tuluyan nang isinara ng Korte Suprema ang pintuan nito sa lahat ng mga petisyon na kumukuwestiyon sa impeachment case ni dating Chief Justice Renato Corona.
Sa tatlong pahinang resolusyon ng Supreme Court En Banc, wala na umanong pangangailangan para talakayin pa ang mga constitutional issue na may kinalaman sa kaso.
Kabilang sa mga kinukwestiyon sa impeachment case ay ang ligalidad ng mga lagda ng mga Kongresista na naghain ng impeachment complaint laban kay Corona.
Ayon sa Korte, maituturing ng moot and academic ang mga nasabing petisyon dahil may naitalaga nang bagong punong mahistrado at wala na rin sa kapangyarihan si Corona.
Tinukoy din ng korte na kaagad namang tinanggap ni Corona ang hatol sa kanya nang walang protesta nang siya ay ma-impeach sa pwesto nuong May 29, 2012.