Sa pagsibak sa mga Partylists: Brillantes 'di raw takot ma-impeach
MANILA, Philippines - Hindi natatakot si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes sa banta ng impeachment laban sa kanya kaugnay ng paghihigpit ng komisyon sa mga i-aaccredit na partylist groups para sa 2013 elections.
Ayon kay Brillantes, bahagi lamang ng kanyang trabaho ang maharap sa impeachment dahil siya ay isang appointee ng Pangulo.
Aniya ang kanyang pagtatanggal sa mga partylist ay nararapat lamang sa kanyang responsibilidad na linisin ang partylist system sa bansa.
Tiniyak naman ni Brilantes na handa ang legal team ng Comelec na sagutin ang mga petisyon na ihahain ng mga disqualified partylist groups sa Korte Suprema.
Inihayag din ni Brillantes na posibleng anim hanggang pitong incumbent partylist groups pa ang kanilang ididisqualify sa susunod na linggo.
Ayon naman kay Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin, kukuwestyonin nila sa susunod na linggo ang legalidad ng desisyon ng Comelec na idiskuwalipika sila sa 2013 elections at maari rin aniya silang humingi ng temporary restraining order (TRO) laban dito.
Sa panig ng isa pang kinatawan ng partido na si Rep. Rodel Batocabe, ipinagtataka nito ang pagbaliktad ng posisyon nina Comelec commissioners Rene Sarmiento, Lucenito Tagle, Armando Velasco at Elias Yusoph laban sa kuwalipikasyon ng kanilang grupo.
Tinukoy ni Batocabe na ang nabanggit na mga opisyal ay bumoto noon sa eligibility ng Ako Bicol para makasali sa 2010 national elections.
Inakusahan ng Ako Bicol partylist ang makakaliwang grupong Makabayan na may pakana umano upang idiskwalipika sila ng Comelec.
Ang Makabayan coalition ay binubuo ng Bayan Muna, Gabriela Partylist, ACT Teachers Partylist, Anakpawis at Kabataan.
Ibinunyag din ni Batocabe na dalawang disqualification case ang isinampa sa kanila ng Makabayan noong 2010 subalit pareho itong ibinasura ng Comelec.
Habang ang ikatlong disqualification case na inihain ng Kontra Daya na umano’y kaalyado rin ng Makabayan ay kinatigan ng Comelec, sa kabila ng umano’y legal loopholes sa unanimous decision ng poll body.
- Latest
- Trending