MANILA, Philippines - Inamin ng pangunahing may akda ng kontrobersyal na Freedom of Information (FOI) bill na naghihingalo na ang kanyang panukalang batas.
Ayon kay House Deputy Speaker at Quezon Rep. Erin Tañada, naghihingalo na ang FOI bill dahil na rin sa itinakda ang pagdinig nito sa Nobyembre 13 ay parang inilagay na rin ito sa “intensive care unit” ni Rep. Ben Evardone.
Dahil dito kayat lalo umanong lumiit ang pag-asa ng nasabing panukalang batas lalo pa at magkakaroon ng break ang Kamara sa Disyembre kahit pa maipasa ito sa committee level ng Nobyembre 13.
Giit pa ni Tañada mas malabo na rin itong matalakay sa Enero dahil magiging abala naman ang mga kongresista sa pangangampanya dahil sa May elections.
Una ng inihayag ni House Speaker Feliciano Belmonte na diringgin ang FOI bill sa susunod na linggo subalit katwiran naman ni Evardone na siyang chairman ng committee na hindi matutuloy ang hearing dahil sa walang bakanteng kwarto na maaaring pagdausan nito.
Dahil dito kayat sumang-ayon na rin si Belmonte sa itinakdang petsa ni Evardone matapos umano nitong kausapin si Tañada.