Task Force SAFE ikinasa sa 2013 polls
MANILA, Philippines - Binuo na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force SAFE (Secured and Fair Election) upang tiyakin na magiging mapayapa at matiwasay ang pagdaraos ng May 2013 polls sa bansa.
Sinabi ni PNP Spokes man Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ito’y kasunod ng umiinit na tunggalian ng mga kandidato lalo na sa mga lalawigan matapos ang pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC).
Ang Task Force SAFE ang ipinalit sa dating Task Force HOPE (Honest Orderly and Peaceful Elections) na tututok partikular na sa mga lugar na itinuturing na hot spots sa panahon ng eleksiyon.
Nilalayon nito na maiwasan ang pagdanak ng dugo sa halalan at mapanatili ang kapayapaan.
Magsisilbing pinuno ng Task Force Safe si PNP Deputy Chief for Operations P/Deputy Director Gen. Rommel Heredia.
Binigyang diin ni Cerbo na mas mabuti na ang maagang paghahanda ng Task Force Safe para kumpiskahin na ang mga loose firearms, paglalansag sa mga Private Armed Groups (PAGs), pagkontrol at mahigpit na pagmomonitor sa mga lugar na may matinding labanan ng mga pulitiko.
Ang TF Safe ay binubuo ng Intelligence Group, Criminal Investigation and Detection Group, Special Action Force, Public Information Office at 17 Police Regional Offices.
- Latest
- Trending