MANILA, Philippines - Pormal nang binuksan kahapon ang bagong consular satellite office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa National Capital Region-West na matatagpuan sa SM City Manila, katabi ng Manila City Hall.
Pinangunahan nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, SM retail President Teresita Sy-Coson at SM supermall President Annie Garcia ang inagurasyon o programa na sinundan ng ribbon cutting ceremonies dakong alas-3 ng hapon.
Dinaluhan din ng mga opisyales at kinatawan ng DFA at SM management ang pagpapasinaya ng bagong DFA-NCR West consular office .
Ayon kay Del Rosario, kabilang ang DFA-NCR West sa may 37 consular satellite offices na itinayo o bubuksan ng DFA ng hanggang Disyembre 2012 sa iba’t ibang panig ng bansa na naglalayong ilapit sa publiko ang kanilang serbisyo.
Noong Setyembre 19, 2012, pormal na pinasinayaan din ang consular office ng DFA-NCR Central sa Robinsons Galleria habang noong Setyembre 3 ay binuksan ang DFA-NCR East sa SM Megamall sa Edsa, Quezon City at sa SM Davao.
Bukas na rin sa publiko ang mga bagong consular offices sa Pacific Mall sa Cebu, Robinsons Starmills sa San Fernando, Pampanga, at MarQuee Mall sa Angeles City habang nakatakdang magbukas ang DFA consular offices sa Robinsons Lipa, Robinsons Bacolod, Robinsons Dumaguete, Robinsons General Santos, SM Baguio, Pacific Mall Legazpi at Metro Gaisano Alabang.