Lady doctor, biktima ng 'Dugo-dugo'
MANILA, Philippines -Isang babaeng doktor ang nabiktima na naman ng kilabot na ‘Dugo-dugo gang’ at natangayan ng may P1 milyong halaga ng alahas sa pamamagitan ng kanilang katulong na kinumbinsing naaksidente ang amo sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa pulisya, ang huling biktima ng grupo ay kinilalang si Dr. Kriselle Mercado, residente ng Filinvest 2, Barangay Batasan Hills, Quezon City,
Si Mercado ay nagtungo sa CIDU kasama ang kanyang kasambahay na si Guillerma Parallon, 52, bago maghating gabi kamakalawa para magreklamo.
Ayon kay Parallon, nag-ugat ang insidente nang isang babae ang tumawag sa bahay ng kanyang amo, ganap na alas- 4 ng hapon at nagpakilalang empleyado ng city hall. Tanging ang kasambahay lamang ang nasa bahay ng oras na nabanggit.
Tulad ng modus operandi ng grupo, sinabi ng caller kay Parallon na ang kanyang amo ay nasangkot sa vehicular accident at nangangailangan ng malaking pera.
Ilang sandali pa, isa pang babae na nagpakilalang si Mercado ang nakipag-usap sa telepono sa kasambahay at kinumbinsi ang huli na nangyari ang nasabing aksidente.
Dito na umano inutusan ng suspect ang kasambahay na kunin ang alahas mula sa master bedroom na siya namang ibinigay ng huli sa isang hindi nakikilalang lalaki sa may foot bridge sa Barangay Sto. Domingo, lungsod.
Matapos maibigay ay bumalik na ng bahay si Parallon kung saan nasurpresa ito nang makita si Mercado na walang anumang sugat, saka nalamang siya ay naloko.
- Latest
- Trending