MANILA, Philippines - Dumagsa ang mga aplikante bilang immigration officers ng Bureau of Immigration na itatalaga sa mga bakanteng puwesto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang ports of entry.
Kaugnay nito, sinabi ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr., 3,000 katao ang nakatakdang kumuha ng qualifying examinations para sa bakanteng 200 puwesto na gaganapin sa October 24 sa Department of Justice sa Maynila at walo pang venue gaya ng Baguio , La Union, Tarlac, Batangas, Naga, Iloilo, Cebu at Cagayan de Oro.
Una nang hiniling ni Commissioner David sa Department of Budget and Management na mag-empleyo ng 200 bagong immigration officer I upang matugunan ang kakulangan ng mga tauhan sa NAIA at iba pang paliparan sa bansa.
Pinunto pa ng komisyuner na ang mga makapapasang immigration officer ang magsisilbing bagong gatekeepers and front liners ng pamahalaan laban sa human trafficking.
Ayon kay BI spokesman Atty Ma. Antonette Mangrobang, ang aplikante ay kailangang 36- anyos, civil service professional eligible at nakatapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo.