Osmeña, hinamon ni Haresco

MANILA, Philippines - Hinamon ni Ang Kasangga party list Rep. Teo­dorico Haresco si Senador Serge Osmeña na im­bestigahan siya kaugnay sa patuloy na pagdadawit ng kanyang pangalan sa umano’y kuwestiyunableng pagpapagawa ng mga tulay sa bansa.

Hamon ni Haresco kay Osmeña, sa halip na si­rain ang kanyang pangalan na umano’y matagal na nitong inalagaan bilang kilalang expat bago pa man ito pumasok sa pulitika ay mas mabuting magsampa na lang ito ng kaso sa korte upang mapatunayan kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Ayon kay Haresco, nilalabag umano ng senador ang interparliamentary courtesy dahil sa pag-aakusa nito sa kasamahang mambabatas.

Dahil dito, iginiit niyang maisulong sa Kamara ang masusing imbestigasyon sa alegasyon ni Senador Sergio Osmeña III.

Kinuwestyon pa ng kongresista kung bakit muling inungkat o binuhay ni Osmeña ang kaso na dinismis ng Ombudsman noon pang 2009.

Ang Balfour Beatty o Balfour Cleveland ay siyang naging bridge supplier sa mga proyektong nai­sagawa sa ilalim ng Tulay ng Pangulo o President’s Bridge Program na pinasimulan ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1994.

Show comments