ARMM officials 'di kailangang mag-resign kahit nag-file ng COC
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Malacañang na hindi maituturing na nagbitiw na sa puwesto ang officer-in-charge ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Mujiv Hataman at iba pang opisyal ng ARMM dahil lamang naghain na sila ng kanilang mga certificates of candidacy para sa eleksiyon sa susunod na taon.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, bagaman at itinalaga ni Pangulong Aquino sina Hataman, sila naman ay mga nasa elective post.
Ipinaliwanag pa ni Valte na ang mga itinalagang opisyal na wala sa elective posts ang awtomatikong aalis sa kaniyang trabaho sa sandaling maghain ng kanilang COCs.
“Sa Fair Election Act, dalawa ang distinctions, may appointed official na pag-file ng COC ay automatically resigned. Ang elective hindi nag-a-apply sa kanila ‘yan kasi may mandate sila at kailangan ituloy,” sabi ni Valte.
Ginawa ni Valte ang pahayag matapos mapuna ni Atty. Romeo Macalintal ang gagawing pananatili ni Hataman sa posisyon kahit pa naghain na siya ng COC.
- Latest
- Trending