MANILA, Philippines - Ipinauubaya na ng Malacañang sa mga botante ang isyu ng political dynasty dahil ang mga mamamayan naman ang magsusulat sa balota ng mga nais nilang maluklok sa puwesto.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, maging si Pangulong Aquino ay naghayag noong 2010 elections na hindi dapat i-diskuwalipika ang isang kandidato dahil sa kaniyang pangalan.
Mas mahalaga pa rin aniyang tingnan ang kuwalipikasyon at track records ng isang kandidato kaysa sa isyu ng political dynasty.
Idinagdag ni Valte na mabuting ipaubaya na lamang sa mga botante ang pagdedesisyon dahil sila ang magsasabi kung sino ang nais nilang maging public servants.
Nilinaw din ni Valte na hindi ipinagtatanggol ng Palasyo ang isyu ng political dynasty lalo pa’t wala namang batas na ipinapasa ang Kongreso para ipagbawal ito.