MANILA, Philippines - Kasabay nang pagdiriwang ng World Teachers’ Day kahapon, umapela ang mga guro sa Malacañang na taasan ang kanilang mga sahod at dagdagan ang kanilang mga benepisyo.
Nagmartsa ang mga guro mula Far Eastern University sa Morayta, Manila patungong Malacañang para personal na ipanawagan kay Pangulong Aquino na sertipikahan na rin bilang urgent ang House Bill 2142 na nagtatakda ng dagdag na sahod at benepisyo.
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, pangulo ng National Employees Union ng Department of Education (DepEd-NEU), napakababa ng sahod ng mga guro gayung napakahirap ang kanilang trabaho.
Giit pa nito, dapat na ituring sila ng gobyerno na mga special employees dahil sa napakahirap ng kanilang trabaho.
Isinusulong din umano nila, kasama ang Teachers’ Dignity Coalition na gawing P9,000 kada buwan ang dagdag sa sahod ng mga guro at mga non-teaching personnel.