MANILA, Philippines - Naghain na rin ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa congressional seat sa 3rd district ng Camarines Sur si Atty. Eleonor “Leni” Robredo, maybahay ng nasawing si dating DILG Sec. Jesse Robredo.
Ilang oras bago ang deadline ay isumite kahapon ni Leni ang kanyang COC sa local Comelec office kasama ang kanyang bunsong anak na si Jillian Therese at daan-daang supporters.
Sinabi ni Atty. Robredo na inaasahan na niya ang mga batikos matapos hindi niya panindigan ang nauna niyang pahayag na hindi siya tatakbo sa anumang posisyon sa darating na 2013 elections.
“Naisip ko na marami ang babatikos dahil sabi ko hindi ako kakandidato. Di ako sigurado kung tama ginawa ko,” sabi ni Leni.
Nabakante ang posisyon sa ikatlong distrito matapos tumakbong gobernador si Camarines Rep. Luis Villafuerte Sr. na nasa ikatlo at huling termino na.
“Kung si President Cory at President Aquino nag-retreat pa para mag-isip, ako binigyan ng 2 oras,” wika pa niya.
Makakalaban ni Leni na tatakbo sa ilalim ng Liberal Party (LP), si Solicitor General Anselmo Cadiz at Nelly Villafuerte (NPC), maybahay ni Rep. Villafuerte.
Makakalaban ni Rep. Villafuerte ang apong si Miguel Villafuerte, 23, na anak ni Gov. El Rey Villafuerte na kakandidato naman sa pagka-congressman sa 2nd district laban sa incumbent na si Rep. Dato Arroyo, anak ni dating Pangulong Arroyo.