GMA inaresto!

MANILA, Philippines - Tuluyan nang ipina­aresto kahapon ng Sandiganbayan si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng kasong plunder o pan­da­rambong dahil sa uma­no’y maanomalyang paggamit sa P365 mil­yong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ito ayon kay Justice Efren dela Cruz ng Sandiganbayan First Division ay makaraang ibasura ng graft court ang motion for reconsideration na isinumite ng abogado ni Arroyo na si Atty. Anacleto Diaz.

Bukod kay Arroyo, dawit din sa non-bailable case na ito sina PCSO Board of Directors chairman Sergio Valencia; da­ting PCSO general manager Rosario Uriarte; mga PCSO directors Ma­nuel Morato, Raymundo Roquero, Jose Taruc at Ma. Fatima Valdes, da­ ting Commission on Audit chairman Reynaldo Villar, PCSO Region V head Nilda Plaras at dating PCSO Assistant General Manager for finance Benigno Aguas.

Isinilbi ng PNP ang warrant of arrest kay Arroyo sa Veterans Memo­rial Medical Center (VMMC) sa Quezon City matapos isugod dito ang dating pangulo na sumasailalim sa physical therapy.

Mananatili si Arroyo sa VMMC kung saan na-admit ito sanhi ng dehydration dulot ng sakit nito sa spinal cord

Ito ang ikalawang pag­­kakataon na isinailalim sa hospital arrest sa VMMC si Rep. Arroyo matapos ma­­ging detainee rito no­ong nakaraang taon sa kasong electoral sabotage noong 2007 national election.

Sinabi ni PNP-Criminal Investigation and De­tection Group-National Capital Region Chief P/Sr. Supt Joel Napoleon “Jigs” Coronel na isina­ilalim sa medical checkup sa VMMC si Arroyo, kinu­nan nila ng photographs at fingerprints sa presensya ng kaniyang legal counsel at miyembro ng pamilya matapos na isilbi ang warrant of arrest.

Ipauubaya naman ng PNP-CIDG-NCR sa Sandiganbayan kung mana­natili si Arroyo sa VMMC o ikukulong ito sa detention facility ng pulisya ka­ugnay ng panibago nitong kasong kriminal.

Samantala, may ilang buwan na umanong nakalabas ng bansa ang isa sa kapwa akusado ni Arroyo.

Nabatid sa Bureau of Immigration na Hulyo 19, 2012 nang lumabas ng Pi­lipinas si Taruc ilang araw matapos siyang sampahan ng kasong plunder. Wala pa sa record ng BI kung naka­balik pa ito ng bansa. (May ulat ni Ludy Bermudo)

Show comments