MANILA, Philippines -Bahagi na lamang ng isang malagim na bangungot ng nakaraan ang Maguindanao massacre na kumitil ng 57 katao, 32 rito ay mediamen noong Nobyembre 2009 kaugnay ng mahigpit na labanan sa pulitika.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., lahat ng pro-active measure ay ginagawa ng tropa ng militar para matiyak na hindi na mauulit pa ang Maguindanao massacre.
Ang Maguindanao massacre ay nangyari matapos mauwi sa madugong pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) ng misis ni dating Buluan Mayor at ngayon ay Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu noong Nobyembre 23, 2009. Sa kasalukuyan ay mahigit pa sa 90 suspek ang tinutugis ng batas.
Ang itinuturong mga mastermind na ang mag-aamang dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan ay patuloy na nililitis ng batas.
Idinagdag pa ni Burgos na sa pagsisimula ng pagsusumite ng COC ay puspusan ang monitoring ng militar katuwang ang PNP sa mga lugar na idineklarang Areas of Immediate Concern o hotspots.
Sa ganitong paraan, mapipigilan kung hindi man tuluyang masawata ang mga pagdanak ng dugo na karaniwan na sa kasaysayan ng eleksyon lalo na sa lokal na level o sa mga probinsya.