MANILA, Philippines - Muling dumanas ng mga pagbaha ang malaking bahagi ng Metro Manila matapos na magbuhos ng malalakas na pag-ulan ang bagyong Marce.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 12 inches ang baha sa Pio del Pilar at La Paz sa lungsod ng Makati habang nasa 12 inches rin ang baha sa Concepcion, Marikina City na hindi madaanan ng mga behikulo.
Iniulat rin ang hanggang gutter na mga pagbaha sa kahabaan ng Edsa Taft southbound, Edsa Zamora, Edsa Ortigas, Edsa highway 54 SB, Edsa P. Tuazon tunnel at Edsa Megamall.
Baha rin sa Camanava area na kilalang flood prone areas sa Metro Manila.
Gayundin sa Banaue, Quezon City na hindi rin madaanan ng mga behikulo bunga ng pagtaas ng tubig baha.
Bunga ng mga pagbaha ay nasuspinde ang panghapong klase sa ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Batay sa ulat na natanggap ng Department of Education (DepEd), kabilang sa mga nagsuspinde ng mga panghapong klase ay ang Pasay City, Quezon City, Muntinlupa City, Malabon City, Makati City, Paranaque City, Taguig City, Maynila, Cavite, Pateros, Caloocan City, San Juan City, Las Pinas City, Mandaluyong City, Pasig City at Valenzuela City.
Sa Rizal naman ay wala ring pasok sa panghapong klase sa bayan ng Cainta at Taytay para sa pre-school, elementary at high school sa public at private schools, habang wala ring pasok sa lahat ng antas sa Sasmuan, Pampanga.
Maging ang ilang kolehiyo ay nagdeklara na rin na walang klase kabilang ang PUP sa Sta. Mesa, St. Benilde, UP Manila at UE na walang pasok mula pre school hanggang college.
Sumunod na ring nagsuspinde ang FEU, San Beda, Adamson University, Poveda Schools at ang mga campus ng De La Salle University sa Taft, Makati at Ortigas; Ateneo, at Paref Woodrose, O.B. Montessori Center sa Greenhills.
Dati ay ang DepEd ang nag-aanunsiyo ng suspensiyon ng klase sa pre-school, elementarya at high school level.
Gayunman, binago ang naturang polisiya at inilipat ang responsibilidad sa pagsuspinde ng pasok sa mga local government officials na higit umanong nakakaalam sa sitwasyon ng panahon sa kani-kanilang nasasakupan. (Joy Cantos/Mer Layson)