MANILA, Philippines - Sa gitna nang napipintong pagsusumite sa plenaryo ng ulat ni Sen. Ralph Recto, chairman ng Senate Committee on Ways and Means ng report tungkol sa Sin Tax Bill, iginiit kahapon ng mga magsasaka ng tobacco ang balanseng posisyon ng mga senador tungkol sa panukala.
Nagpasalamat din ang Philippine Tobacco Growers Association (PTGA) kay Recto dahil nabigyan sila ng mas mahabang oras para ipaliwanag ang kaniyang posisyon taliwas sa nangyari sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Inihayag ni Saturnino Distor, pangulo ng PTGA na limang minuto lamang ang ibinigay sa kanila ng komite sa House of Representatives para ipaliwanag ang kanilang panig sa panukalang batas na naglalayong itaas ang excise tax sa mga sin products.
Samantala, ipinunto ni Distor na hindi ang interes ng malalaking kompanya ng tobacco ang nanaig sa Kamara kundi ang kagustuhan ng Department of Finance na magpataw ng malaking excise tax.
Naniniwala si Distor na mas naging patas ang mga senador sa pagdinig sa kanilang panig.
Isusumite na ni Recto sa pagpapatuloy ng sesyon ng Senado sa Lunes ang committee report matapos ang serye ng pagdinig sa panukalang excise tax sa sigarilyo at alak.
“All sectors and stakeholders were able to present their position during a five-hour hearings that discussed the pending bills on the proposed excise tax hikes and the impact on the economy and affected stakeholders,” pahayag ni Recto.