Gov't walang magagawa sa retrenchment sa RPN 9
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na walang magagawa ang gobyerno sa naging desisyon ng majority owners ng RPN 9 sa pagbabawas nito ng tauhan dahil minority na lamang dito ang pamahalaan sa sequestered station.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. sa media briefing, ang tanging masisiguro lamang ng Palasyo ay protektahan ang karapatan ng mga manggagawa na maaapektuhan ng retrenchment ng RPN 9.
Wika ni Sec. Coloma, nasa 20.8 percent na lamang ang ownership ng gobyerno sa RPN 9 at majority na dito ang Solar, Far East Managers and Investors Inc.
Aniya, ang tanging ginagawa na lamang dito ng gobyerno ay monitoring at hindi na ito ang mayoryang may-ari ng RPN 9 kaya may karapatan ang Solar na magpatupad ng kanilang nais na reporma.
Ang pagsibak sa may 200 empleyado ng RPN 9 ay epektibo sa Nov. 15 kung saan ay babayaran naman daw sila ng kanilang separation packages.
Sinabi naman ng Pangulo ng RPN 9 na si Robert Rivera, walang plano ang management na isara ang tv station na mayroon ding 11 radio stations sa buong bansa.
- Latest
- Trending