MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Department of Health (DOH) na may outbreak ng sakit na “Chikungunya” sa bansa, matapos mapaulat na marami umanong nagkakasakit nito sa Albay, Ilocos Sur at Bataan.
Sinabi ni Health Secretary Enrique Ona, kagaya ng dengue kalimitan ding mataas ang kaso ng ‘Chikungunya’ sa panahon ng tag-ulan, matapos umano ang naranasang mga pagbaha sa ilang lugar sa bansa ay maraming ‘breeding sites’ ang mga lamok kaya ipinapayo ng DOH sa publiko na maglinis ng kanilang kapaligiran.
Ani Ona , under control naman ang kaso ng ‘Chikungunya’ na naiulat sa, Albay, Ilocos at Bataan at nakaalerto na umano ang kanilang health personnel para mabigyan ng tulong medical ang mga biktima.
Una nang sinabi ni Albay Gov. Joey Salceda na isang bayan sa Rapu-Rapu sa Albay ang nakapagtala ng 83 kaso ng Chikungunya, karamihan umano sa mga biktima ay residente ng Barangay San Ramon, Batan Albay na nakaranas ng pabalik- balik na lagnat, rashes at pananakit ng katawan.
Sinabi ni Ona, bago sa pandinig ng publiko ang sakit na Chikungunya subalit hindi ito dapat na katakutan, kailangan lamang umano ay handa ang publiko kung paano ito gamutin at magtungo agad sa mga pagamutan.
Una nang sinabi ni Health Assistant Sec. Dr Eric Tayag na taong 1990 pa nang unang magkaroon ng kaso ng Chikungunya sa Pilipinas.