MANILA, Philippines - Anim na petisyon na ang naisampa sa Korte Suprema na pawang tumututol sa implementasyon ng Cyber Crime Prevention Act of 2012.
Ilang mambabatas, bloggers , estudyante at pribadong indibidwal mula sa akademya ang naghain ng kanilang petisyon sa SC kung saan hiniling nito na agad na magpalabas ng Temporary Restraining Order at tuluyan nang ibasura ang nasabing batas na tinawag nitong unconstitutional.
Kabilang sa mga naghain ng ika-anim ng petisyon kontra sa Cyber Crime Law ay sina Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino, ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, UP College of Mass Communications Dean Rolando Tolentino, mga blogger na sina Katrina Stuart Santiago, Ma. Katherine Elona ng Philippine Collegian, Anakbayan national chairman Vencer Mari Crisostomo, Isabelle Baguisi ng National Union of Students of the Philippines, Prof. Carl Marc Ramota ng UP Manila Department of Social Sciences at Ofelia Balleta ng Beltran Research Center.
Batay sa 21-pahinang petisyon ng grupo, iginiit nila na kung itutuloy ang pagpapatupad ng nasabing batas ay maraming paglabag sa karapatang pantao ang magaganap at mapanghihimasukan din ng pamahalaan ang pribadong buhay ng mga indibidwal. (Ludy Bermudo/ Gemma Garcia)