Retrenchment program ng RPN-9, sinimulan na
MANILA, Philippines - Opisyal na inianunsiyo ng RPN-9 Management na simula kahapon, Oktubre 1, 2012 ay inumpisahan na nila ang pagpapatupad ng ‘retrenchment program’ na magkakaloob ng ‘separation package’ sa kanilang mga empleyado.
Ang naturang hakbang ay may layuning mapadali at mabigyan ng ‘relief’ ang mga empleyado at maresolba ang mga isyu sa RPN.
Nabatid na sa mga nakalipas na dekada ay nahaharap sa mga problemang pinansiyal ang RPN 9 sanhi upang hindi nito magawang makipagkumpetensiya sa mga kalabang network.
Upang makatupad sa mga obligasyon nito, nagsusumikap naman ang RPN Management na makalikom ng pondo na kinakailangan sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon at regular na mabayaran ang kanilang mga empleyado, gamit ang kasalukuyang ‘revenue streams’.
Sa kabila ng matinding limitasyon sa ‘financial resources’ ng RPN, ginagawa ng management nito ang lahat upang masolusyunan ang matagal nang apela ng mga manggagawa nito na maayos na ang kanilang mga claims at mga karagdagang benepisyo.
Sinabi ni Mr. Robert Rivera, current OIC at acting President ng RPN, wala silang plano na tuluyang isara ang kumpanya at sa halip ay patuloy na nagsusumikap na maging maayos ang kanilang operasyon.
Ang RPN, na nag-o-operate ng pitong television stations at 11 radio stations, ay pagmamay-ari ng Solar Far East Managers and Investors, Inc. (FEMII), at ng Philippine Government.
- Latest
- Trending