Kaguluhan sa registration ng COC pinaghandaan ng PNP, Comelec bantay-sarado
MANILA, Philippines - Bantay-sarado sa tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa buong bansa kaugnay ng pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato na tatakbo sa alinmang posisyon sa gobyerno kaugnay ng May 2013 midterm polls.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., bagaman nasa normal alert status ang lahat ng PNP units sa Luzon, Visayas at Mindanao ay nag-isyu pa rin ng direktiba si PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na magdeploy ng sapat na bilang ng mga pulis sa mga tanggapan ng COMELEC.
Ang hakbang ay upang tiyakin ang seguridad para mapanatiling maayos at mapayapa ang pagsusumite ng COC ng mga kandidato sa loob ng limang araw, simula kahapon hanggang sa Biyernes (Oktubre 1-5).
Samantala, dahil sa rekord ng mga karahasan lalo na tuwing eleksyon ay nasa full alert status naman ang anim na Police Regional Offices kabilang ang Special Action Force na 100 % ang isinagawang paghahanda sa mga contingencies o pagresponde sa mga emergencies sa Mindanao Region.
Partikular na tinututukan ang mga tanggapan ng COMELEC sa mga lugar na palaging naidedeklarang Areas of Immediate Concern o hotspots sa tuwing halalan.
Una nang ipinatawag at pinulong ni Bartolome ang lahat ng mga Regional Directors ng PNP na palakasin pa ang seguridad sa pagsusumite ng COC ng mga kandidato sa mga tanggapan ng COMELEC.
Maging ang punong tanggapan ng COMELEC sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila ay todo bantay sa mga ipinakalat na NCRPO operatives alinsunod na rin sa kautusan ni NCRPO Chief Supt. Leonardo Espina.
“Although, the first day of the COC filing was accentuated by convoys, caravans, marching bands and festive atmosphere, the overall situation remains generally peaceful”, ani Espina sa kanyang ulat kay Bartolome.
- Latest
- Trending