P50-M cocaine timbog ng BOC sa NAIA
MANILA, Philippines - Arestado ng mga tauhan ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Ruffy Biazon ang isang ginang na Indonesian national matapos makumpiskahan ng mahigit 8 kilo ng cocaine na tinatayang nasa P50 million ang halaga sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Sa report na isinumite kay Biazon ni Legal and Investigation Custom police Byron Carbonell, head ng Task Force React ng BoC-NAIA, kinilala ang suspek na si Dwi Wulandari, nasa hustong gulang at nasa custody ito ngayon ng naturang tanggapan at sumasailalim sa masusing interogasyon.
Lumalabas sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-5:10 ng hapon sa Terminal 1 ng NAIA.
Nabatid na nasakote ng grupo ni Carbonell ang dayuhang ginang dahil sa kuwestiyonableng timbang nang dala nitong suitcase at habang tinatanong ay itinatanggi nito na pag-aari niya ang nasabing bagahe.
Subalit habang tumatanggi ang suspek, napag-alaman na ang claim tag na hawak nito ay parehong numero mula sa kahina-hinalang bagahe.
Dahil na rin sa hindi ito maipaliwanag ng suspek, kaagad itong pinigil ng mga tauhan ni Biazon at idinetine muna ito sa exclusion room ng NAIA. Nang inspeksiyunin ang suitcase ng suspek ay dito nadiskubre ang laman na fiber glass plastic kung saan nakalagay ang pinaghihinalaang droga na nababalutan ng carbon.
Matapos isailalim sa examination, nadiskubre na ito ay positibong cocaine.
Inatasan na ni Biazon ang kanyang mga tauhan na ihanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa Indonesian.
- Latest
- Trending