MANILA, Philippines - Umaabot na sa kabuuang 2,111 ang kaso ng dengue sa Iloilo City matapos na 72 pa ang maitala sa buwang ito.
Sa report ng Office of Civil Defense (OCD) Region VI mula sa lokal na Health Office, bunsod ng mga pag-ulan ay nakapagtala agad ng 72 kaso ng dengue sa loob lamang ng dalawang linggo nitong Setyembre kung saan mula Enero hanggang Setyembre ay nasa 2,111 na ang mga pasyenteng dinapuan ng nasabing karamdaman.
Sa nasabing bilang ay 14 katao ang nasawi, ang pinakahuli ay ang 5-anyos na si Richard Taclino ng Jaro District, Iloilo City.
Patuloy naman ang panawagan ni Iloilo City Health Officer Dr. Mae Delmo sa publiko na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran upang makaiwas sa sakit.
Ang dengue ay karaniwan tuwing tag-ulan kung saan namamahay sa maruruming tubig ang mga lamok na nagtataglay ng ‘aedes aegypti’ na nagkakalat ng virus.
Samantala, nagbabala rin ang opisyal sa isa pang nakakaalarmang sakit na dulot ng kagat ng lamok na tinatawag na “Japanese encephalitis”.
Ang Japanese encephalitis bagaman tulad ng dengue ang sintomas ay higit na delikado dahil utak ng tao ang inaatake ng nasabing virus.