MANILA, Philippines - Matapos manumpa bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), nagdesisyon si Secretary Mar Roxas na mag-leave bilang presidente ng Liberal Party.
Aminado si Roxas na kailangan niyang tutukan ang bagong trabaho kaya siya magbabakasyon sa partido.
Sinabi ni Roxas na uunahin niya sa Lunes ang pagsusumite ng kaniyang leave of absence kay Pangulong Aquino.
Inaasahan din umano ni Roxas na tatanggapin ng Pangulo ang isusumite niyang leave of absence.
Kasama ni Roxas sa panunumpa sa harap ng Pangulo ang kaniyang asawang si broadcaster Korina Sanchez sa reception hall ng Malacañang.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang asawa ni Robredo na si Atty. Leonor Robredo.
Ipinangako naman ni Roxas na ipagpapatuloy niya ang mga iniwanang programa ng namayapang kalihim na si Jesse Robredo kabilang na ang pagpapalakas sa mga local government offices.
Pag-aaralan din umano niya ang mga papeles sa sinasabing kontrobersiyal na overpriced na pagbili ng baril ng DILG.