MANILA, Philippines - Dininig na ng Senate Committee on Youth, Women and Family Relations na pinamumunuan ni Senator Pia Cayetano ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagpaparusa sa mga bata sa pamamagitan ng pamamalo, pangungurot, at ibang uri ng pananakit na pisikal.
Ayon kay Cayetano mahalagang maipaalam sa mga magulang ang epekto ng iba’t ibang uri ng corporal punishment kaya mahalaga ang edukasyon tungkol dito.
Ilang pag-aaral na umano ang nagpapakita na ang pamimingot at pamamalo ay hindi nakakabuti sa mga bata physically at psychologically.
Tiniyak ni Cayetano na masusi nilang pag-aaralan ang panukala lalo pa pagdating sa pagpapataw ng parusa katulad ng pagkabilanggo sa mga magulang na nagpapataw ng corporal punishment.
Aminado si Cayetano na may mga batas na talaga sa kasalukuyan na nagbabawal sa pananakit ng mga bata kaya pagtutuunan nila ng pansin kung paano maitatama ang mga nakagawian na o habit na pananakit ng isang magulang sa isang anak.