MANILA, Philippines - Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kumukuwestiyon sa inihaing electoral sabotage case laban sa kanya ng DOJ- Comelec investigating panel.
Ayon sa isang source, unanimous o nagkakaisa ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa pagbasura sa petisyon dahil maituturing nang moot and academic ang kaso.
Iyan ay dahil naisampa na sa Pasay City Regional Trial Court ang kaso at nabasahan na rin ng sakdal ang dating pangulo.
Ang nasabing desisyon ay isinulat ni Associate Justice Diosdado Peralta at napagbotohan sa deliberasyon ng Korte Suprema noong September 18.
Samantala, hati naman ang mga mahistrado sa usapin ng legalidad ng pagkakabuo sa DOJ-Comelec panel.
Apat na mahistrado ang nagsabing unconstitutional ang lupon dahil tanging ang Comelec lamang umano ang may mandato na mag-imbestiga sa mga election offense.
Habang mayorya naman sa mga mahistrado ang naniniwala na legal ang pagkakabuo sa panel dahil ang Comelec pa rin naman ang nangangasiwa sa imbestigasyon at ang Commission En Banc ang nag-apruba ng paghahain ng kaso sa korte.