MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ng kasong graft sa Sandiganbayan sina retired Philippine National Police (PNP) Director General Jesus Verzosa at pitong iba pang opisyal ng PNP kaugnay ng maanomalyang pagbili ng 75 defective police rubber boats noong 2008.
Bukod kay Verzosa, sabit din sa paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina P/DDG Jefferson Soriano, P/DDG Benjamin Belarmino, Jr., P/Dir. Luizo Ticman, P/Dir. Ronald Roderos, P/Dir. Romeo Hilomen, P/CSupt. Herold Ubalde, at P/CSupt. Villamor Bumanglag.
Amg kaso ay mula sa Complaint and Supplemental Complaint na isinampa ng tanggapan ng Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Offices (OMB-MOLEO).
Pinagtibay ni Ombudsman Morales ang natuklasan ng Special Panel of Investigators ng ahensiya na may naganap na anomalya sa pagbili ng rubber boats ng PNP na may P131,550,000 halaga.
Ang naturang mga rubber boats ay binili makaraang maganap ang bagyong Ondoy at Pepeng sa bansa noong 2008.
Sinasabing nang dalhin na ang initial batch ng rubber boats sa pamamagitan ng PNP Maritime Group-Technical Inspection Committee on Watercrafts (MG-TICW) ay natuklasang depektibo ang naturang mga equipment dahilan para ‘di nila ito magamit at ang mga bangka at makina ay hindi gumagana kaya’t hindi ito napakinabangan.