WW II tunnel gagawing 'heritage site'
MANILA, Philippines - Gagawin ng ‘heritage site’ ang makasaysayang Fort Bonifacio War tunnel na ginamit ni US General Douglas McArthur noong World War II.
Ito ang nabatid kay Bases Conversion Development Authority (BCDA) President at Chief Executive Officer Arnel Paciano Casanova matapos na pormal na ipakita sa media ang nasabing 2.24 kilometrong war tunnel.
Ang sikretong tunnel ay may 32 built-in chambers at passable exits na ang isa ay patungong Brgy. Pembo at ang isa pa ay sa Brgy. East Rembo sa Makati City.
Isinasaayos na ang plano upang maisakatuparan ang proyekto na bahagi ng makasaysayang kultura ng mga Pilipino sa panahon ng pagkakatatag ng Philippine Commonwealth ni dating Pangulong Manuel Quezon.
Kapag binuksan na sa publiko ang war tunnel ay malaki ang maitutulong nito sa turismo. Ang Fort Bonifacio tunnel ay isang sikretong lagusan sa ilalim ng lupa na matatagpuan sa Bonifacio Global City na nagsilbing military headquarters at imbakan ng mga armas pandigma ng mga sundalong Kano sa ilalim ni MacArthur.
Si MacArthur ay nagsilbing military adviser kay dating Pangulong Quezon sa panahon ng World War II.
Ayon naman kay ret. Army Brig. Gen. Restituto Aguilar, AFP historian ang tunnel ay hinukay ng mga Igorot noong 1936 at kinubkob ng mga sundalong Hapones noong 1941 sa panahon ng WW II sa bansa.
Sa pagtatapos ng WW II noong 1945 ay napalayas ng mga sundalong Kano ang mga sundalong Hapones.
Unang plinano ng BCDA na isara na ang nasabing tunnel pero ipinaglaban ito ng Philippine Army dahil bahagi ito ng kasaysayan ng mga bayaning sundalo na nagbuwis ng buhay sa digmaan.
Unang binuksan sa media ang nasabing war tunnel noong 1989.
- Latest
- Trending