MANILA, Philippines - Posibleng maharap sa impeachment complaint si Pangulong Noynoy Aquino sa sandaling payagan nito ang pagbabayad ng $500 milyon sa China kaugnay sa naudlot na North Rail Project.
Ayon kay Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares, labag sa Konstitusyon ang gagawin ng pamahalaan dahil illegal ang kontrata ng nasabing proyekto.
Sabi ni Colmenares na bukod sa walang kaukulang appropriations ay wala rin tax certification ang nasabing proyekto na paglabag din umano sa auditing rules.
Ito rin ang dahilan kaya bahagi ng impeachment complaints laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo ang North Rail project.
Giit pa ni Colmenares, hindi umano niya maintindihan kung bakit may perang pambayad ng utang ang gobyerno subalit walang pondo para sa social services.
Para naman kay UP Prof Atty. Harry Roque, hindi dapat magbayad ang gobyerno sa China dahil wala namang nagawa sa nasabing proyekto.
Kung tutuusin umano dapat pa ngang habulin ng pamahalaan ang Chinese contractor na CNMEG at kasuhan ang mga sangkot sa pirmahan ng kontrata.
Ito ay dahil may desisyon na umano dati ang Korte Suprema na nagsabing hindi ito executive agreement kundi ordinaryong kontrata lamang kaya walang immunity from suit.