Ex-Cavite gov. inireklamo sa Ombudsman sa LRT project
MANILA, Philippines - Inireklamo ng paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act si dating Cavite Governor Erineo ‘Ayong’ Maliksi sa Office of the Ombudsman ng limang residente na apektado ng itatayong Light Rail Transit (LRT) line extention project sa lalawigan ng Cavite.
Sa 43-pahinang reklamo nina Jovelyn Santiago, Flordeliza Gordola, Rolando Gordola Jr., Noligie Gonzales at Flordeliza Fajardo na mga direktang naapektuhan ng naturang proyekto, hindi umano tinupad ng dating opisyal ang nilalaman ng MOA.
Ang hindi umano pagsunod ni Maliksi sa kasunduan sa pagitan ng LRTA ang isa raw sa dahilan upang maantala ang pagpapatayo sa naturang proyekto.
Unang nagkaroon ng kasunduan ang lalawigan ng Cavite at LRTA noong 2008. Sa naturang MOA naglaan ang LRT Authority ng P500 million sa provincial government, sa pangunguna ni Maliksi, para sa pagpapatayo ng bahay o relokasyon sa 2,000 pamilyang tatamaan ng nasabing proyekto.
Sa liham ni Mel Robles, dating administrator ng LRTA, ang P500 million ay ginugol lamang sa pagtatayo ng 180 bahay.
Dahil dito lumalabas na nagkakahalaga ng P2.77 million ang bawat low cost housing na kung susundan ang kasalukuyang kalakaran, ang isang low cost housing ay nagkakahalaga lamang ng P250,000.
Nabatid na ang konstruksiyon ng LRT line extension ay hindi masimulan dahil sa kakulangan ng itinayong bahay na relokasyon sa mga squatters.
- Latest
- Trending