MANILA, Philippines - Suportado ng isang mambabatas ang pagtakbo sa pagka gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ng kasalukuyang officer in charge (OIC) Regional Governor na si Mujiv Hataman.
Ayon kay An-Waray party list Rep. Florencio “Bem” Noel, na matagal din kasama ni Hataman noong 13th at 14th Congress na hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang dating kongresista ang nagpapatupad ng mga reporma at pagsugpo ng katiwalian sa ARMM kung saan tinagurian pa nga ito ni Pangulong Aquino bilang ghostfighter.
Sa kasalukuyan ayon kay Noel ay walang mabuting opsyon upang magpatuloy ang pagpapatupad ng reporma sa ARMM kungdi ang patakbuhing muli si Hataman.
Kasabay nito umapela na rin ang mga opisyal at empleyado ng ARMM kay Pangulong Aquino na ikunsidera ang muling pagtakbo ng gobernador sa 2013.