MANILA, Philippines - Matapos ang makabuluhang pagbabago sa kapaligiran at pamumuhay ng mga residenteng nakatira sa mga esterong nalinis ng Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig (KBPIP), itataguyod nito ang mas agresibong kampanyang himukin ang mga lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan na linisin ang kanilang mga estero.
Ngayong taon, napiling ayusin ng KBPIP ang mga estero sa Quezon City na isinasalin ang halos lahat ng basura nito sa San Juan River. Samantala, sa San Juan River naman nagmumula ang higit 40% ng dumi na dumadaloy sa Ilog Pasig.
“Kapag nilinis natin ang San Juan River, malilinis na natin ang kalahati ng Ilog Pasig. Kung kailangan nating linisin ang San Juan River, kailangan din nating linisin ang Quezon City,” saad ni Gina Lopez, ang managing director ng ABS-CBN Foundation na namamahala sa KBPIP.
Magsisilbing modelo ng rehabilitasyon para sa mga daluyan ng tubig sa Quezon City ang Estero de Paco na siyang dati’y isa sa mga pinakamaruming daluyan ng tubig sa Maynila. Mula sa pag-uumpisa sa pagsasaayos nito noong 2009, ang dating mistulang tambakan ng basura ay isa nang ganap na pasyalan – malinis, puno ng magagandang halaman, at nakabitan ng mga ilaw na nagpapaliwanag dito tuwing gabi.
Nagsimula ang pagsasaayos sa estero sa pamamagitan ng paglilipat ng libu-libong pamilya na nakatira sa mga ito, paggawa ng maaayos na lakaran, pagsasanay ng community volunteers na kung tawagin ay River Warriors na siyang naglilinis at nagbabantay sa mga estero laban sa mga nagtatapon ng basura, at ang paglalagay ng aparatong bubuhay muli sa tubig nito.
Kagaya ng Estero de Paco, layunin ni Lopez na paunlarin ang bawat estero ng Ilog Pasig upang mapakinabangan at mapagkakakitaan ng mga naninirahan dito. Ipinagmalaki ni Lopez ang pagpapatayo ng supermarket at tatlong palapag na hotel malapit sa nasabing estero kamakailan matapos itong malinis.
Ibinida rin ni Lopez ang naging direkta at mabuting epekto ng rehabilitasyon ng Estero de Paco sa pamumuhay ng mga residente nito. Hindi nakaranas ng pagbaha ang paligid ng estero noong kasagsagan ng habagat, patunay na maaaring mabawasan ang trahedya ng pagbaha sa Kamaynilaan kapag sinimulang linisin ang mga daluyan ng tubig dito.