MANILA, Philippines - Dismayado si Sen. Ralph Recto sa track record ng gobyerno partikular sa Department of Health sa paggamit ng health care funds mula sa tobacco excise tax.
Nabunyag sa isang pagdinig sa Senado na nanatiling ‘intact’ ang P12.5 bilyong nakolekta mula sa tobacco excise tax noong nakarang taon dahil nabigo ang DOH na magsumite ng administrative requirement sa budget department.
Sinabi ni Recto na kahit singko ay wala pang nagagastos sa P12.5 bilyong budget gayong ilang buwan na lamang ay magtatapos na ang 2012.
“The P12.5 billion…until today, which is September, has not been released to Philhealth…We have already promised that to the people and it has not yet been released,” sabi ni Recto.
Ayon kay Recto dapat lamang na palawakin ang coverage ng Philhealth lalo pa’t may magagastos namang pondo mula sa tobacco excise tax na hindi pa rin nagagalaw. Bukod aniya sa P12.5 bilyon na pondo ng Philhealth may reserve fund pa ang ahensiya na umaabot sa P107 bilyon.
Dapat na aniyang mapakinabangan ng mga mahihirap na miyembro ng Philhealth ang nasabing pondo dahil nakalaan naman talaga ito para sa kanila.