MANILA, Philippines - Mas mabigat na parusa ang naghihintay sa mga jailguards na mapapatunayang nagpabaya at nakipagsabwatan para makatakas ang isang bilanggo.
Ito’y matapos aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bills 6482, 251 at 2399 na inihain nina Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, Occidental Mindoro Rep. Amelita Villarosa at Antipolo City 2nd district Rep. Romeo Acop.
Nakasaad sa panukala na kailangang amyendahan ang articles 156,223 at 224 ng Republic Act 3851 o ang Revised Penal Code of the Philippines.
Ayon kay Angara, ang pagpalya na mahuli ang mga takas na bilanggo ay nagbibigay lamang ng mas matinding kapahamakan para sa publiko kayat dapat nang baguhin ang penoloy system sa bansa.
Giit nito, dapat managot na ang mga responsable sa kustodiya ng mga preso at alisin sa pwesto dahil sa kawalang responsibilidad, integridad, kakayahan at katapatan sa tungkulin.
Para naman kay Acop, makakabuti ang mas mahigpit na parusa na ibibigay sa mga jail guards na pumayag o nagpabaya sa pagtakas ng isang bilanggo lalo na ang mga high profile prisoners.
Sa ilalim ng panukala, ang kaparusahan sa sinumang lalabag sa Article 156 o crime of delivering prisoners from jail ay itataas sa prision mayor o 6-12 taong kulong.
Sa Article 223 naman na hindi pagsasabi sa kustodiya ng nakatakas na bilanggo, ay itataas ang parusa hanggang 12 taon at 1 araw hanggang 20 taon (reclusion temporal).
Sa Article 224 kung saan nakapaloob ang pag-iwas sa krimen dahil sa kapabayaan ay hihigpitan din ang parusa mula sa pagkakakulong ng 6 na taon at 1 araw hanggang 12 taon (arresto mayor) at 6 na buwan at 1 araw hanggang 6 taon depende sa bigat ng kaso gayundin ang diskwalipikasyon sa tungkulin.