MANILA, Philippines - Pinigil ng Korte Suprema ang pagpapalabas ng anti-Islam film na “Innocence of Muslims” na naging ugat ng mararahas na kilos-protesta at pagkamatay ni US Ambassador to Libya Chris Stevens.
Ito ang naging kapasiyahan ng deliberasyon kahapon ng Supreme Court en banc, na nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa nasabing kontrobersiyal na pelikula.
Kabilang sa inaatasan ng SC laban sa pagpapalabas ng nasabing pelikula ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Gayunman, hindi maaksyunan ng korte ang hiling ng ilang Muslim leader sa Mindanao na maipagbawal sa Google at Youtube ang pelikula dahil hindi naman sila pinangalanang respondent sa petisyon.
Samantala, pinagsusumite naman ng SC ng komento hinggil sa nasabing isyu ang mga respondent na sina Executive Secretary Paquito Ochoa at MTRCB Chair Grace Poe Llamanzares.
Nag-ugat ang nasabing kaso sa inihaing petisyon ng ilang Muslim leader dahil ang pelikula ay pambabastos umano kay Prophet Muhammad, na naglalarawan ng pambababae, panloloko at pang-aabuso sa bata.