$.5B utang bayaran n'yo! - China
MANILA, Philippines - Pinababayaran na ng Chinese government ang $500 milyon na inutang ng Pilipinas para sa Northrail project.
Sinabi ni DILG Sec. Mar Roxas, na sa pakikipagpulong niya sa Chinese officials kamakailan ay biglang napag-usapan ang tungkol sa Northrail project na pinondohan ng China sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) loan.
Ayon kay Roxas, nang magtungo si Pangulong Aquino sa China noong nakaraang taon ay napag-usapan ang reconfiguration ng Northrail project subalit walang naging progreso dito hanggang sa ideklara ng Korte Suprema na maanomalya ang nasabing proyekto at hindi pumasa sa procurement law ng bansa ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at Sinomach Company ng China.
Sa puntong ito, sinabi ni Roxas na biglang naningil ang China at pinababayaran nito ang $500 milyong inutang ng Pilipinas sa kanila matapos malaman na hindi na itutuloy ng Pilipinas ang proyekto.
Sabi pa ni Roxas, pinababayaran ito sa loob ng 2 taon pero ayon kay Finance Sec. Cesar Purisima ay may pera naman tayo upang mabayaran ang nasabing utang.
Dagdag pa ni Roxas, posibleng nagkataon lamang ang biglang paniningil ng China sa nangyayaring girian ngayon ng dalawang bansa sa Panatag Shoal.
At kahit hindi umano nangyari ang girian sa Panatag Shoal ay hindi na rin itutuloy ng Pilipinas ang kontrata sa Sinomach dahil idineklara ng SC na maanomalya ang proyekto.
- Latest
- Trending