MANILA, Philippines - Kukuwestyunin ng grupong San Pascual Economic Development Agenda sa Commission on Elections (Comelec) sakaling muling tumakbo sa pagka-alkalde si Mayor Antonio Dimayuga ng San Pascual, Batangas.
Sa isang pahayag, iginiit ng grupo na nakaka-tatlong termino na umano si Dimayuga, kayat hindi na umano ito maaring tumakbo pa.
Sa oras anila na mag-file ng certificate of candidacy si Mayor Dimayuga ay agad naman nilang ihahain sa Comelec ang kanilang petition for disqualification.
Sa darating na Oct.1-5 ang mga official filing dates na itinalaga ng Comelec.
Matatandaang nanalo si Dimayuga sa isang protesta sa halalan noong 2004 at nakaupo ng ilang buwan bilang Mayor ng San Pascual.
Nahalal muli siya noong 2007 at 2010.
Ayon sa SPEDA, hindi na pwedeng lumaban ayon na rin sa ating saligang batas na siya mismong naglimita na hanggang tatlong termino lamang pwedeng umupo ang halal na lokal na opisyal kaya sya’y diskwalipikado na.
“This should be addressed immediately by Comelec. If he is qualified or not. Otherwise if he runs, we will be forced to file a disqualification case,” sinabi ni SPEDA spokesman Atty. Jason Abueva.