MANILA, Philippines - Nasawi ang isang cancer patient nang tumalon mula sa ika-apat na palapag na gusali ng Philippine General Hospital (PGH) sa Taft Avenue, Manila kahapon ng umaga.
Dead on arrival sa emergency room ng nasabing pagamutan si Edgardo Santos, 44, ng Zone 5, Signal Village, Taguig City, sanhi nang pagkabasag ng kanyang bungo.
Naganap ang insidente alas-8:30 ng umaga isang araw matapos ma-admit sa pagamutan si Santos dahil sa sakit na cancer.
Ayon kay PO3 Richard Limuco, nagpaalamang ang bantay na kapatid ni Santos ay bumili ng kanilang agahan na sinamantala naman ng pasyente at mabilis na tinanggal ang kanyang dextrose bago nagtungo sa beranda ng ika-apat na palapag.
Sinabi naman ng nurse na si Ella Arcilla, hindi niya nakita sa beranda ang pasyente subalit nagulat na lang siya nang makarinig siya ng malakas na kalabog kung kaya’t mabilis niyang tinungo ang beranda ng pagamutan.
Aniya, laking gulat niya nang makita mula sa itaas ang nakahandusay na katawan at duguang ulo ng pasyente sa semento.
Naniniwala naman ang mga kaanak ni Santos na ang sanhi nang pagtalon nito mula sa ika-apat na palapag ng gusali ay ang hindi makayanang sakit dulot ng cancer.