MANILA, Philippines - Dahil sa matinding galit umano ng mga Bikolano kay Senador Trillanes dahil sa pagharang nito sa paghahati ng lalawigan ng Camarines Sur, posibleng iboykot ng mga ito ang senador sa darating na 2013 midterm elections.
Ayon kay Deputy Speaker at Camarines Sur 4th District Rep. Arnulfo Fuentebella, mananagot umano sa mga Bikolano ang mga senador na humaharang sa House Bill 4820 na ang tinutukoy nito ay si Trillanes.
Giit pa nito, hindi man lamang binigyan ng karapatan sa saligang batas ang mga mamamayan ng lalawigan upang ipaabot ang kanilang saloobin sa nasabing panukala na paghahati ng Camarines Sur sa dalawang probinsya at paglikha ng Nueva Camarines.
Sinabi pa ni Fuentebella na galit na galit ang mga tao at maraming nagkokomento na mga Bikolano sa pakikialam na ginagawa ng senador.
Nilinaw pa ng isa sa lider ng Kamara na hindi naman taga-Camarines Sur si Trillanes bagama’t sinasabing ito raw ay Bikolano.
Dagdag pa nito na hindi naman basta-basta masasabing ayaw ng mga tao sa panukala dahil sa survey sa isang araw lang na pagbisita na ginawa dito.
Matatandaan na nag-ugat ang isyu matapos na sabihin ni Trillanes sa kanyang privilege speech ang umano’y ginagawang railroading ni senate president Juan ponce Enrile sa naturang panukala hanggang sa ibunyag naman ni Enrile na ang batang senador ay nagsasagawa ng backdoor channeling sa China.