MANILA, Philippines - Aprubado na sa Kamara ang panukalang batas na naniniguro sa kapakanan ng mga kabataang may kapansanan at may mga espesyal na pangangailangan upang matugunan ang kanilang edukasyon at rehabilitasyon.
Sa botong 197, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bills 6547 at 6509 na inihain ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, na siya ring vice-chairperson ng House Committee on Children Welfare.
Ayon sa HB 6547, ang paggawa ng isang Special Education (SPED) center sa bawat school division sa buong bansa ay naglalayon bigyan ng prayoridad ang mga batang may kapansanan pero gustong pumasok sa eskuwelahan.
Ang HB 6509 ay tumutugon naman para sa mga rehabilitation center para tulungan ang mga batang may kapansanan o children with disabilities (CWD).
Nilinaw naman ni Herrera-Dy na ang mga SPED teachers at school administrators ay tatanggap ng sahod na katumbas ng “three grades higher than their counterparts in regular state-run schools.”
Nakasaad din sa panukala na magbibigay ng seminar at impormasyon sa mga magulang, kapatid at caregivers upang magkaroon sila ng kaalaman tungkol sa special education at magkaroon ng pang-unawang psychological at ang kanilang papel na ginagampanan bilang educators.