Lider ng Sayyaf na may $500,000 reward nakatakas sa encounter!
MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang lider ng Abu Sayyaf na si Khair Mundos na nakatakas sa encounter sa mga awtoridad sa Zamboanga City.
Sinabi ni Chief Supt. Manuel Barcena, hepe ng PNP Directorate for Integrated Police Operations Western Mindanao, nakatanggap sila ng report na lumipat na ng taguan si Mundos sa Basilan matapos itong makapuga sa elite forces ng pulisya at militar sa bakbakan sa Brgy. Calabasa, Zamboanga City noong Huwebes ng hapon.
Kasalukuyan namang bineberipika ang ulat na nasugatan sa engkuwentro si Mundos. Tatlong bandido naman ang napaslang.
Sa nasabing operasyon ay nailigtas ang bihag na Chinese na si Lin Yuan Kai na dinukot ng Abu Sayyaf kasama ang isa pang mining executive na si James Luo sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay noong nakalipas na Hunyo. Si Lou ay pinalaya ng mga kidnaper noong Agosto.
Si Mundos ay wanted sa Estados Unidos kaugnay ng pagsuporta at pakikiisa nito sa paghahasik ng terorismo ng Al-Qaeda kung saan ilang miyembro ng kaalyado nitong Jemaah Islamiyah (JI) terrorist ay nagtatago sa mga kuta ng Abu Sayyaf sa Sulu.
Noong 2009 ay nagpalabas ang US Department ng $500,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kay Mundos.
Una nang naaresto si Mundos noong Mayo 2004 kung saan habang nasa kustodya ng pulisya ay inamin nitong siya ang nagsasaayos ng pondo ng JI na ipinadadala sa napaslang na dating lider ng Abu Sayyaf na si Khadaffy Janjalani na sangkot sa bombings at kidnapping for ransom. Si Mundos ay nakatakas sa North Cotabato Provincial Jail noong 2007.
- Latest
- Trending