MANILA, Philippines - Tiniyak ni Senator Edgardo Angara na hindi masusupil ng Anti-Cybercrime Act ang karapatan sa pamamahayag dahil ang layunin ng nasabing batas ay ang proteksiyunan ang mga Filipino na gumagamit ng internet.
Ayon kay Angara, nasa 30 milyong Filipino ang gumagamit ng internet at tiyak na mas tataas pa ang nasabing bilang.
Panahon na aniya para magkaroon ng legal framework para proteksiyunan ang mga “basic freedoms” katulad ng ‘freedom of expression’.
Ayon kay Angara, bago maging batas ang Cybercrime Prevention Act (RA 10175) maituturing ang internet na “uncharted territory” kung saan may ‘free-for-all attitude’ ang lahat at hindi maiiwasan ang mga nagsasamantala.
Hindi aniya dapat katakutan ang nasabing batas dahil hindi naman ito ginawa para mapigilan ang karapatan ng mga mamamayan lalo na sa pamamahayag.
“Minus the law, our cyberspace will remain a wild frontier where no due process is afforded to victims of legitimate Internet-related crimes. With it in place, we actually extend the protections provided in our Constitution to the digital realm,” ani Angara.
Nauna rito, ilang grupo ang nagpo-protesta dahil sa pagsasama ng libel sa batas dahil mistulang pagsupil umano ito sa “freedom of speech”.