MANILA, Philippines - Magkakaroon na ng service firearm ang bawat isa sa 147,000 puwersa ng Philippine National Police (PNP) matapos magdesisyon si PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na aprubahan na sa lalong madaling panahon ang procurement contract para sa P1.98 bilyong gun deal.
”After due diligence, after checking all the procedures, I am now ready to sign because it has been with me since September 10,” ani Bartolome na ang tinutukoy ay ang kontrata sa Trust Trade na siyang nagwagi sa bidding ng supply ng halos 60,000 pistols para sa PNP.
Sinabi ni Bartolome na importante na maaprubahan kaagad ang kontrata dahil kulang na kulang sa armas ang kapulisan.
Nabatid na ang Trust Trade ay ang ikalawang pinakamababa ang presyo ng mga armas sa mga nag-bidding na supplier na umaabot lamang sa P16,659.94 bawat isang Glock 17 pistol kung saan ay nakapasa rin ito sa 20,000 rounds endurance test upang tiyakin ang tibay ng nasabing baril para sa mga pulis.
Samantala, inihayag ng PNP Chief na ini-iskedyul na ang pagsasagawa ng bidding para sa mahahabang armas na magagamit naman ng maneuver force ng PNP o ang Special Action Force (SAF).
Magugunita na ipinatigil ng nasawing si dating DILG Secretary Jesse Robredo ang bidding sa assault rifles matapos punahin ni Pangulong Aquino na overpriced umano ito nang pumasok sa eksena at pamahalaan ng nagbitiw na si DILG Undersecretary for Peace and Order Rico Puno.