'Sinimulan mo, tatapusin ko!'
MANILA, Philippines - Hindi yuyuko si Senate President Juan Ponce Enrile kay Senator Antonio Trillanes at tatapusin niya ang inumpisahan ng batang senador.
Wala ring balak si Enrile na tanggapin ang apology ni Trillanes sakaling hingin niya ito at ayaw niyang may mamagitan para sila magkaayos.
“No, I don’t have time for a man like him,” sabi ni Enrile.
Nilinaw ng senate presidente na hindi siya ang nagsimula ng away nila ni Trillanes dahil ito ang umatake sa kaniya.
“I did not provoke this. The record will show that I was quietly presiding then suddenly I was being attacked,” sabi ni Enrile.
Matagal na anyang nasa kaniya ang “Notes” ni Philippine Ambassador to China Sonia Brady tungkol sa pagiging backdoor negotiator ni Trillanes sa China at hawak niya ito noong Miyerkules sa pag-aakalang tungkol sa problema sa Department of Foreign Affairs ang magiging laman ng speech ng senador.
“This guy is dangerous for the country,” babala pa ni Enrile.
Trillanes promotor ng kudeta vs Enrile
Kinumpirma rin kahapon ni Enrile na si Trillanes ang senador na sinasabi niyang kausap ng isang grupo ng mga reporter kamakailan na nagpalutang na may nagbabalak maglunsad ng kudeta laban sa kaniya.
Ikinalat umano ni Trillanes ang tsismis tungkol sa kudeta matapos ang Cabinet meeting sa Malacañang kung saan kapwa sila dumalo.
Sabi naman ng Liberal Party, wala silang alam sa planong pagpapatalsik kay Enrile dahil tiwala sila sa liderato nito.
Wika ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr., malaki ang utang na loob ng Pangulo at ng partido kay Enrile dahil sa naging kontribusyon nito sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona gayundin ang mga naiambag nito sa pamumuno ng Pangulo kayat buo pa rin ang trust and confidence nito sa pinuno ng Senado.
‘Laglag’ sa Malacañang
Inilaglag naman ng Malacañang si Trillanes sa plano nitong pagsusulong na i-kudeta si Enrile.
Sabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, patuloy ang magandang relasyon nina PNoy at Enrile dahil epektibong partner ng Aquino government si Enrile bilang lider ng Senado.
Iginiit pa ni Lacierda na si Trillanes ang lumapit at nagboluntaryo kay Pangulong Aquino upang tumulong sa isyu ng Scarborough Shoal at hindi ang Pangulo ang nakiusap kay Trillanes upang magsilbing ‘backdoor’ negotiator sa China.
Umaasa din ang Palasyo na tatahimik na si Trillanes sa pagsasa lita ukol sa nasabing isyu matapos mismong si PNoy ang makiusap dito.
Inaalam pa ng Palasyo kay Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. kung ang gobyerno ang sumagot sa 16 na biyahe ni Trillanes sa China.
Inihayag naman ni Trillanes sa panayam sa telebisyon na magsisimula siyang mangampanya sa mga kasamahang senador para mapatasik sa puwesto si Enrile. (May ulat nina Butch Quejada/Gemma Garcia/Rudy Andal)
- Latest
- Trending