MANILA, Philippines - Naglabas ng sama ng loob ang kinatawan ng senior citizens sa Kamara dahil sa umano’y kakulangan ng atensyon ng gobyerno sa sektor ng mga nakatatanda.
Sa privilege speech ni Senior Citizens party list Rep. Godofredo Arquiza, maraming panukala para sa mga nakatatanda subalit nakatengga lamang sa komite kasama na rito ang pagpapadeklara sa unang linggo ng Setyembre bilang Grandparents day.
Sabi pa ni Arquiza, marami ring batas na nagbibigay sa kanila ng benepisyo pero hindi lubos na naipapatupad ng gobyerno.kabilang dito ang pagbibigay ng P500 pension sa mahihirap na senior citizens.
Base umano sa data ng senior citizens partylist, mayroong 1.2 million na mahihirap na lolo at lola pero sa bilang na ito nasa 185,000 hanggang 200,000 lamang ang nakakatanggap ng P500 pension kaya mamamatay na lamang ang ibang lolo at lola ng hindi nakatikim ng benepisyong ito.
Inireklamo din ng mambabatas na walang national commission para sa senior citizens samantalang sangkaterba ang komisyon ng gobyerno para sa iba’t ibang sektor. Puna pa ni Arquiza, mayroong Sangguniang Kabataan subalit walang kinatawan ang senior citizens sa konseho ng mga lokal na pamahalaan.