MANILA,Philippines - Nakopo ni dating Las Piñas Representative Cynthia Villar, Managing Director ng Villar Foundation, ang puwestong 9 sa pinakahuling survey ng Pulse Asia para sa mga senatorial aspirants o ‘senatoriables’ para sa 2013 midterm elections.
Ang naturang survey ay isinagawa mula August 31 hanggang September 7, 2012, kung saan ang mga respondents ay pinakitaan ng listahan ng mga pangalan ng mga personalidad na nababanggit na posibleng maging kandidato sa pagka-senador.
Kabilang sa mga tanong sa survey ang “If the 2013 were held today, who in this list would you vote for senator? Choose only 12 names.”
Si Villar at apat na iba pa na nakapasok sa top 12 circle ng survey ay tatakbo sa pagka-senador sa kauna-unahang pagkakataon, kabilang sina San Juan Rep. JV Ejercito, Cagayan 1st District Rep. Juan Ponce Enrile Jr., Aurora Rep. Sonny Angara, at Nancy Binay.
Si Villar, asawa ni Senator Manny Villar, ay nagtamo ng landslide victory bilang Representative ng Las Piñas noong 2001 at nakumpleto niya ang kaniyang tatlong termino o siyam na taon sa serbisyo hanggang 2010.
Ang 10 naman sa 15 personalidad na nanguna sa survey ay pawang kasalukuyan at mga dating senador na kinabibilangan nina Loren Legarda, Chiz Escudero, Alan Cayetano. Antonio Trillanes IV, Gringo Honasan, Koko Pimentel, Richard Gordon, Jun Magsaysay at Jamby Madrigal.